Sulyap Balita
P2M paputok nasamsam
Tinatayang aabot sa P2 milyong halaga ng mga paputok mula sa China na pinaniniwalaang walang kaukulang papeles ang nasamsam ng pinagsanib na elemento ng Police Regional Maritime Office 6 at ng Bureau of Customs (BOC) sa isinagawang operasyon sa pantalan ng Iloilo City noong Lunes. Sa police report na nakarating sa Camp Crame, ang mga paputok na idineklarang laruan ay nakuha sa isang 20-footer container van na naka-consign sa pangalang Bryan Coo ng Ledesma St., Iloilo City na dumaong sa Iloilo City Port noong Oktubre 13. Dahil naman sa kahina-hinalang laman ng nakahimpil na van sa nasabing daungan ay binuksan ito ng mga awtoridad matapos na mabigong sumipot ang consignee ng kargamento sa loob ng mahigit isang linggo. Gayon pa man, sa halip na mga laruan ay pawang mga paputok na tinakpan pa ng mga bulak sa ibabaw ang laman ng container van. Itinurnover na sa kustodya ng police regional office ang nakumpiskang mga bawal na paputok para sa kaukulang disposisyon. (Joy Cantos)
Kagawad, obrero itinumba
LEGAZPI CTIY, Albay – Dalawa-katao ang iniulat na napaslang sa magkahiwalay na karahasang naganap sa Masbate kahapon. Si Barangay Kagawad Allan “Bobong” Belado ay pinagbabaril ng ‘di-pa kilalang lalaki habang nasa loob ng barangay plaza sa Barangay Sawang sa bayan ng Batuan, Masbate. Samantala, si Bernabe Corel, 28, ay binaril at napatay habang naghahapunan kasama ang kanyang misis sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Villa Inocencio sa bayan ng Placer, Masbate. (Ed Casulla)
Transco tower pinasabog
Nabalot ng tensyon ang mga residente sa bayan ng Kauswagan, Lanao del Norte makaraang sumabog ang bomba na itinanim ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front sa tore ng Transco 24 sa Barangay Tingin-Tingin kamakalawa. Sa ulat na nakarating sa Camp Aguinaldo, napinsala ang dalawang bakal na poste ng Transco habang narekober naman ng mga nagrespondeng tropa ng Army’s 104th Infantry Brigade, ang dalawa pang Improvised explosive device na nabigong sumabog. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending