371 elementary pupil nalason sa lollipop mula sa Indonesia

Umaabot sa 371 elementary pupil ang isinu­god sa pagamutan mata­pos malason sa umano’y kontaminadong lollipop na gawa sa Jakarta, Indonesia kamakalawa ng umaga sa Bataraza, Palawan.

Sinabi ni Police Regional Office 4-B Director Chief Supt. Luisito Palmera na ang mga biktima ay pawang estudyante ng Rio Tuba Nickel Elementary at Annex School sa Barangay Rio Tuba sa naturang mu­nisipalidad.

Ayon sa imbestigasyon, dakong alas-9:00 ng uma­ga nang magsibili ang mga batang estudyante ng ken­ding lollipop mula sa isang ambulant vendor sa may gate ng kanilang eskuwela­han.

 Napag-alaman na ang nasabing lollipop na gawa sa Jakarta, Indonesia ay may expiration date na Disyembre 12, 2007.

Habang itinitinda sa gate ng eskuwelahan ang nasabing lollipop ay pinag-agawan pa ito ng mga elementary pupil matapos na maakit sa magandang pag­kakabalot at iba’t ibang ku­lay ng naturang kendi.

Gayunman, ayon kay Pal­ mera, makaraan ang ilang oras matapos na ma­ubos ng mga bata ang lollipop ay nakaramdam na ang mga ito ng pana­na­kit ng ulo, pagkahilo, pag­susuka at pananakit ng tiyan.

Hinihinalang nakuha ng vendor ang ibenentang kendi sa isang basurahan at dahil sa panghihinayang ay ipi­nagbili ito upang pag­kaki­taan. Iniimbestigahan pa ang kasong ito. (Joy Cantos)

Show comments