Amok: 2-katao utas
TABANGO, Leyte – Isang alagad ng batas na rumesponde sa tawag ng tungkulin ang iniulat na napaslang makaraang pagtatagain ng isang maton na nag-amok sa Sitio Cocolay sa Barangay Catmon, Tabasngo, Leyte noong Sabado ng umaga. Kinilala ni Mayor Jonathan Bernard Remandaban, ang napatay na pulis na si PO3 Reniero Delantar y Lamoste, 38, habang namatay naman ang nag-amok na si Rogelio Conde y Rosales, 45, sinasabing may taglay na amulet. Base sa ulat, tumugon sa tawag ng tungkulin si PO3 Delantar, kasama sina SPO1 Cesario Merino at PO3 Talle matapos makatanggap ng reklamo laban kay Conde na nanaga kay Eduardo Saludaga. Nang makarating sa nasabing lugar ang tatlong pulis at mamataan nila si Conde kaya pinilit nilang sumuko subalit kinuha nito ang matalim na itak at nag-amok. Napilitang pagbabarilin ng tatlo si Conde subalit sumablay ang mga bala sa katawan nito hanggang sa madale ng itak si PO3 Delantar. Mabilis na kinuha ni Conde ang M-16 rifle ni PO3 Delantar na kanyang napatay at nakipagbarilan sa dalawang pulis hanggang sa rumesponde ang tropa ng 19th Infantry Battalion ng Phil. Army sa pamumuno ni 2nd Lt. Jaime Tuguig at nakipagbarilan din. Tumagal ng tatlong oras ang putukan bago mapatay si Conde na sinasabing may anting-anting. (Roberto Dejon)
Mag-asawang matanda tinodas
Pinaniniwalaang pagnanakaw ang isa sa motibo kaya pinas lang ng mga di-kilalang kalalakihan ang mag-asawang matanda sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Manueva sa bayan ng Santa, Ilocos Sur kamakalawa. Base sa police report na nakarating sa Camp Crame, ang 87-anyos na si Manolo Peña, ay pinagtataga sa iba’t ibang bahagi ng katawan, samantalang ang asawa nitong si Agrifina, 88, ay sinakal hanggang sa mapatay. May palatandaan ang mga mbestigador na pagnanakaw ang motibo ng pamamaslang dahil nagkalat ang mga personal na gamit ng mag-asawa. (Danilo Garcia)
PNP workshop sa Los Baños
LAGUNA - Sa halip na dumayo sa ibang bansa, sa UP Los Baños Center sa Laguna na lamang gaganapin ng National Police Commission (Napolcom) ang apat na araw na strategic planning at workshop bilang bahagi ng management conference na isinasagawa tuwing ikatlong buwan ng taon. Ayon kay Napolcom Chairman Ronaldo Puno, layunin ng workshop na mailatag ang tamang direksiyon ng mga naka-atang na tungkulin na naaayon sa batas na lumikha sa komisyon na mangasiwa at kumontrol sa aktibidad ng Philippine National Police. Ayon kay Vice Chairman at Executive Officer Eduardo Escueta, pangunahing tagapagsalita sa apat na araw na workshop ay sina Senator Juan Ponce Enrile, Senator Gregorio Honasan at Rep. Rodolfo Antonito na maghahayag ng kanilang mga kaalaman sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan. Ang iba pang mga panauhin na magbibigay din ng inspirasyon at kaalaman ay sina Dir. Romeo Ricardo, Dir. Edgardo Acuna at Anthony Pangilinan.
- Latest
- Trending