Brutal ang sinapit ng isang nursing student matapos itong gahasain at paslangin ng hindi pa nakilalang mga salarin na hinihinalang bangag sa droga sa lungsod ng Baguio, ayon sa ulat kahapon.
Positibong kinilala kahapon ng umaga ng kaniyang amang si Calito Baronable sa punerarya ang biktimang si Chezca Baronable, 17 anyos. Batay sa report ng Baguio City Police, ang bangkay ng biktima ay natagpuan dakong alas-8:00 ng umaga kahapon sa madamong bahagi ng Barangay Balacbac ng lungsod na ito.
Nabatid na nitong Biyernes ay nagpaalam pa ang biktima sa kaniyang ama para sa kaniyang eksaminasyon sa pinapasukang unibersidad sa lungsod kaya maaga itong umalis sa kanilang tahanan.
Labis umanong nag-alala ang mga magulang ng biktima matapos na mabigo itong umuwi ng kanilang tahanan sa buong magdamag kaya hinanap nila ang dalaga.
Ang nasabing paghahanap at labis na pag-aalala ay naging masaklap na bangungot matapos na humantong ang pamilya ng biktima sa punerarya at bangkay na itong matagpuan.
Batay sa report ni P/ Supt. Jaime Rodrigo Lial, medico legal officer ng Police Regional Office-Cordillera Crime Laboratory, ang biktima ay positibong ginahasa at nagtamo pa ng mga pasa sa ulo at ibang bahagi ng kanyang katawan na indikasyon isa hanggang tatlo ang salarin na wala sa sariling katinuan o posibleng mga adik ang may kagagawan.
Sinabi ni Lial na ang sanhi ng pagkamatay ng biktima ay posibleng tinakpan ng mga salarin ang kanyang ilong at bunganga kaya hindi na ito nakahinga saka halinhinan itong ginahasa. (Joy Cantos)