NUEVA ECIJA – Isang provincial auditor ng Commission on Audit (COA) ang malubhang nasugatan makaraang tambangan ng dalawang ’di-pa kilalang kalalakihan sa Barangay San Mariano sa bayan ng San Antonio, Nueva Ecija noong Lunes ng hapon.
Kasalukuyang nasa Nueva Ecija Doctors Hospital ang biktimang si Teresita Grande y Sarmiento, 54, ng Cabanatuan City.
Sa ulat ni P/Senior Insp. Angelito Bondoc, hepe ng San Antonio PNP, lulan ng Crosswind (CTK-452) ang biktima kasama sina Gracito Lising at Emerlinda Cruz nang harangin at ratratin ng dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo.
Sinisilip ng mga imbestigador ang anggulong may kinalaman ang pananambang sa trabaho ng biktima. (Christian Ryan Sta. Ana)