Bangka lumubog: 5 patay
Lima-katao ang iniulat na nasawi kabilang ang tatlong bata habang labing-apat naman ang nailigtas maka raang lumubog ang isang bangka sa karagatan ng Daongdong Island sa Pata, Sulu, noong Sabado ng umaga.
Sa ulat ng regional AFP spokesman na si Major Eugene Batara, ang mga biktima ay mga residente ng Sitio Managal-Mangal, Masjid Punjungan, Kalingalang Caluang sa Sulu.
Kabilang sa mga biktimang nalunod at narekober ang mga bangkay dakong alas-3:15 ng hapon ay sina Naima Nassir, 35; Patrah Nas sir, 5; Gemar Arkan, 4; Nihma Arkan, 47 at si Juraisa Taub na namatay sa Karungdong Wharf habang ginagamot.
Naisalba naman sa tiyak na kapahamakan sina Hatib Sakan Aran, 60; Salip Aprson Jaynal, 40; Rakmah Bahari, 45; Admer Hussein, 14; Elein Parson, 8; Benhor Junior Taub, 4 buwang sanggol na lalaki; Junior Taub, 27; Hussein Arkan, 40; Ardamir Imbay, 28; Armager Imbay, 14; Nurhima Parson,13; Edemar Taub, 14; Tungga Uddaman, 45; at si Mado Tunnga, 18.
Ayon sa opisyal, ang mga biktima ay patungo sa Pata Island para dumalo sa selebrasyon ng Duwaa nang balyahin ng malalakas na alon ang bangka na nirentahan ng mga ito.
Matapos lumubog, isa naman sa mga operator ng bangka ay mabilis na nakalangoy sa kalapit na isla at nakahingi ng tulong sa mga tauhan ng 23rd Marine Company kaya nagsagawa ng search and rescue operation sa tulong na rin ng mga residente.
Patuloy namang pinaghahanap ang nawawala pang 5-anyos na batang babae na si Patrah Nassir.
- Latest
- Trending