CAMP VICENTE LIM, Laguna – Limang preso na lang ang nananatiling tinutugis ng pulisya makaraang magkakasunod na sumuko ang apat na pugante noong Sabado at kahapon.
Ayon kay P/Senior Supt. Manolito Labador, Laguna police director, sa labing-anim na pugante, pito kaagad ang sumuko matapos ang ilang oras na pagtatago at siyam ang tanging tinutugis ng mga awtoridad noong Oktubre 1.
Nag-alok din ang Bureau of Jail Management and Penology at ang lokal na pamahalaan ng Biñan nang halagang P180,000 pabuya para sa ikadarakip ng siyam na pugante.
Subalit bago makakuha ng pabuya, boluntaryo nang sumuko si John Lizardo ng Biñan, Laguna kay councilor Arcega noong Sabado.
Sinundan ni Edwin De Vega ng Brgy. Mamplasan ang pagsuko sa kanilang barangay chairman.
Kahapon, sumuko naman si Reymundo Salde ng Brgy. Lumil, Silang, Cavite matapos makumbinsi ng kanyang mga magulang at ni Barangay Captain Florencio Baysantos.
Samantala, si Junar Emeterio ng Calamba City ay sumuko naman kahapon ng umaga kay P/Supt. Conrado Masongsong ng Regional Special Operations Group.
Sa tala ng pulis-Biñan, limang preso na lang ang pinaghahanap kabilang sina Angelo Estrella, Adolfo Tanael, Jhonil Otbo, Edwin Osis at Rudy Pagkaliwangan. (Arnell Ozaeta)