P10,000 kada ma-recruit ng MILF
Ibinunyag kahapon ng mili tar na nag-aalok ng P 10,000 ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) rebels sa mga residente kaugnay ng aktibong recruitment ng mga ito sa Barangay Inawayan sa bayan ng Sta. Cruz, Davao del Sur.
Batay sa impormasyon, sinabi ni Lt. Col. Lyndon Paniza, hepe ng Army’s 39th Infantry Battalion, desperado na ang pasaway na grupo ng MILF at mismong sa bahagi ng Davao del Sur ay nagre-recruit ng mga kabataan.
Nabatid na gumagala ang MILF partikular na kung gabi at nangangatok ng mga bahay para hikayatin ang mga kalalakihan gayundin ang mga kabataan na umanib sa grupo ng pasaway na si Commander Ameril Ombra Kato.
Ayon kay Paniza, ang mga nagre-recruit ay nakabase sa Davao del Sur at Davao Oriental na pawang mga kaalyado ni Commander Kato na nag-ooperate naman sa Central Mindanao.
Nauna nang napaulat na nagsilayas na sa North Cotabato at Maguindanao bunga ng pinaigting na opensiba ng militar ang mga kawal ni Commander Kato na ngayo’y nagsisipagtago sa bahagi ng Davao.
Kaugnay nito, patuloy namang minomonitor ng militar at pulisya ang dalawang base camps ng MILF sa Southern Mindanao upang tiyakin na hindi makakapaghasik ng kaguluhan bilang pakikisimpatiya sa grupo ni Commander Kato sa Central Mindanao. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending