BIÑAN, Laguna – Labing-anim na preso na may iba’t ibang kasong kriminal ang iniulat na pumuga matapos na pagtulungang kuyugin ang nag-iisang jailguard sa Biñan Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa naganap na jailbreak sa kasagsagan ng ulan dulot ng bagyong “Pablo” sa Laguna kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay P/Supt. Mafelino Bazar, hepe ng Biñan PNP, naitala ang jailbreak dakong alas-3 ng madaling-araw kung saan sinamantala ng mga preso na nag-iisa si Jail Officer 1 Nestor Sabado na jailguard.
Apat naman sa labing-anim na preso na napilitang lang sumamang tumakas ay agad namang sumuko na kinilalang sina Ralph Ochoa, Andrew Placios, Romano Mane at Erickson Javier matapos ang ilang sandaling pagtatago sa kani-kanilang lugar.
Kabilang naman sa mga pumugang preso na ngayon ay tugis ng mga awtoridad ay sina Wilson Esteban, Angelo Estrella, Edwin De Vega, Raymundo Salde, Junar Emeterio, Adolfo Tanael, Aries Bon, Marlon Pascual, Jhonil Otbo, Jhon Lizardo, Edwin Osis at Rudy Pagkaliwangan.
Ayon sa tala ng BJMP, pawang may mga kasong theft, robbery at illegal na droga ang kinakaharap ng mga presong pumuga.
Sa ulat na nakarating kay Jail Director Rosendo Dial, hepe ng BJMP, nabigla sina Jail Officers 1 Nestor Sabado at Novel Chicay nang ipaalam sa kanila na nagsusuka ng dugo ang inmate na si Jemar Babia. Kaya pinagtulungang ilabas nina JO1 Chicay at presong si Wilson Esteban para isakay sa traysikel at dalhin sa pinakamalapit na ospital.
Nang pabalik na si Esteban sa kanyang selda na nag-iisang binabantayan ni JO1 Sabado, bigla na lang sinalya nito ang jail officer at tinangka pang mang-agaw ng baril.
Habang nag-aagawan ng baril, nakakita ng pagkakataon ang ibang preso at sinamantala ang pagkakataon para tumakas sa ibat-ibang direksyon kasama si Esteban.
Mabilis naman nakakuha ng pansin sa mga pulis-Biñan ang komosyon hanggang sa mapigilan pa ang ibang preso na nagtangkang tumakas din.
Bumuo na ng tatlong grupo na kinabibilangan ng PNP Regional Mobile Group at Biñan PNP laban sa mga pugante.