2 minero na na-trap sa minahan, nailigtas
Himalang nasagip ng buhay ang dalawang minero na kabilang sa 16 na-trap sa tunnel ng minahan ng ginto sa kasagsagan ng bagyong Nina makaraan ang pitong araw na search and rescue operations sa bayan ng Itogon, Benguet kahapon ng hapon.
Batay sa ulat na nakarating sa Office of Civil Defense, kinilala ang nailigtas na minero na sina Ngitit Pagulayan at Jose Panyong.
Dakong alas-3:15 ng hapon nang matunton ng mga rescuer ang kinalalagyan ng dalawang minero sa bahagi ng 114 o nasa level 700 sa Gold Field Mines sa Purok 7, Goldfield, Poblacion.
Ang pagkakaligtas sa dalawa ay itinuturing na milagro dahil may pitong araw na ang mga itong nananatili sa lugar.
Ang dalawa ay nanghihina pa sa matinding gutom at uhaw ng masagip ng mga rescuer matapos na pumasok sa apparatus sa minahan.
Inaasahan ding may maililigtas pa dahil maraming maaaring mapagtaguan sa level 700 matapos silang makarinig ng mga boses na nanggagaling sa bahagi ng tunnel.
Samantala, kabilang pa sa mga na-trap na ay sina Joel Bolga, Gilbert Mattin, Rudy Bulaiung Jr, Marvin Himayod, Jason Himayod, Juan Himayod, Rudy Himayod, Robert Buay, Vincent Himayod, Joseph Awayasan, Mario Awayasan at Jojo Himayod. (Joy Cantos at Artemio Dumlao)
- Latest
- Trending