Joyce Jimenez, 3 pa sugatan sa road mishap

Apat-katao kabilang ang tinaguriang pantasya ng bayan at sexy actress  na si Joyce Jimenez  ang na­su­ga­tan makaraang apat na ulit na bumaliktad ang sina­sak­yang wagon dahil sa pag-iwas sa kasa­lubong na truck sa kaha­baan ng highway na sakop ng Baran­gay Anonas sa Urdaneta City, Pangasinan kahapon ng madaling-araw.

Si Jimenez, Joyce Her­rin  Reintergrado  sa tunay na buhay, 29, ng The Mari­lena Townhomes sa Que­zon City ay nagtamo ng mga sugat sa mukha at iba pang bahagi ng ka­ tawan at nasa ligtas na kondisyon.

Kabilang pa sa mga bik­timang sugatan ay ang dray­­ber ni Joyce na si San­dy Juno, 47, ng Cubao, Que­zon City; Diosdado Espiritu, 38; at Cathleen Transporte, 37, personal assistant ng actress.

Ang mga biktima ay na­unang isinugod sa Sacred Heart Hospital sa Urdaneta City bago inilipat sa Medical City Hospital sa Pasig City.

Sa report ng regional police, naitala ang sakuna da­kong alas-3:30 ng mada­ling-araw  ang insidente habang lulan ng Toyota  wagon (WBJ 101) ang mga biktima.

Si Joyce ay kasalu­kuyang  pabalik na sa May­nila ka­sama ang tatlo pang biktima mula sa taping sa Baguio City nang maganap ang sakuna.

Napag-alamang may ilang ulit na nagpagulung-gulong ang sasakyan ng mga biktima sa palayan na pag-aari ni Mario Coloma matapos na ma­walan ng kontrol dahil sa pag-iwas sa kasalubong na truck at dahil naka-seatbelt si Jimenez na nasa unahan ng sa­sakyan at natutulog ay na­kaligtas sa karit ni ka­matayan.

Show comments