Pamilya minasaker

MALOLOS CITY – Mu­ling nabahiran ng karaha­san ang isang linggong taunang Singkaban Fiesta ng Bulacan nang paslangin ang isang empleyado ng Department Agriculture, asawa nito at da­lawang anak sa bahay ng mga ito sa Lungsod ng San Jose Del Monte sa lalawi­gang ito kahapon.

Kinilala ni Senior Supt. Allen Bantolo, acting Bulacan Provincial Police Director, ang mga biktima na sina Teo­filo Mojica, 55; asawang si Florita, 58; at mga anak na sina Mary Grace, 19, at Gina na hindi pa natutukoy ang edad.

Namatay sa mga tama ng bala ng .45 kalibreng baril ang mga biktima na pinatay sa loob ng kanilang tahanan sa Block 3, Lot 5, Phase 5, Pleasant Hills Subdivision, Barangay Tungkong Mang­ga.

Nabatid na ang padre de pamilyang si Mojica ay nag­ tatrabaho sa DA central office, isa sa mga director ng DA employees’ association, at konektado rin sa National Anti-Poverty Commission.

Tinutunton pa ng pulisya ang motibo ng mga suspek sa krimen at ang pagka­ka­ki­lanlan sa mga ito.

 Initsapuwera ng pulisya ang hinalang pagnanakaw ang motibo dahil walang na­wawalang mahahala­gang gamit sa bahay ng mga bik­tima.

Ang pagpaslang sa pa­milya Mojica ay naganap ma­tapos paslangin si Kon­sehal Fidel Nacion sa Ba­liuag noong Martes. Na­sun­dan pa ito ng pagka­kapatay sa da­lawang hindi pa nakikilalang hinihina­lang carjacker sa Plaridel noong Miyerkules.

Naghihinala ang mga awtoridad na kakilala ng pamilya Mojica ang mga suspek.

Show comments