Pamilya minasaker
MALOLOS CITY – Muling nabahiran ng karahasan ang isang linggong taunang Singkaban Fiesta ng Bulacan nang paslangin ang isang empleyado ng Department Agriculture, asawa nito at dalawang anak sa bahay ng mga ito sa Lungsod ng San Jose Del Monte sa lalawigang ito kahapon.
Kinilala ni Senior Supt. Allen Bantolo, acting Bulacan Provincial Police Director, ang mga biktima na sina Teofilo Mojica, 55; asawang si Florita, 58; at mga anak na sina Mary Grace, 19, at Gina na hindi pa natutukoy ang edad.
Namatay sa mga tama ng bala ng .45 kalibreng baril ang mga biktima na pinatay sa loob ng kanilang tahanan sa Block 3, Lot 5, Phase 5, Pleasant Hills Subdivision, Barangay Tungkong Mangga.
Nabatid na ang padre de pamilyang si Mojica ay nag tatrabaho sa DA central office, isa sa mga director ng DA employees’ association, at konektado rin sa National Anti-Poverty Commission.
Tinutunton pa ng pulisya ang motibo ng mga suspek sa krimen at ang pagkakakilanlan sa mga ito.
Initsapuwera ng pulisya ang hinalang pagnanakaw ang motibo dahil walang nawawalang mahahalagang gamit sa bahay ng mga biktima.
Ang pagpaslang sa pamilya Mojica ay naganap matapos paslangin si Konsehal Fidel Nacion sa Baliuag noong Martes. Nasundan pa ito ng pagkakapatay sa dalawang hindi pa nakikilalang hinihinalang carjacker sa Plaridel noong Miyerkules.
Naghihinala ang mga awtoridad na kakilala ng pamilya Mojica ang mga suspek.
- Latest
- Trending