Pamilya, 7 utas sa air strike
Pito-katao kabilang ang limang bata ang iniulat na nasawi makaraang madamay sa air strike ng military laban sa mga tumatakas na mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Maguindanao kahapon.
Kabilang sa mga biktimang nasawi ay ang mag-asawang Dayeah Manunggal Mandi at Vilma, mga anak na sina Aida, 17; Faidza, 4; Bai Lyn, 10; King, 7; at Arcaya, 6, samantalang sugatan naman si Jamaludil, 17.
Mariin naman pinagpilitan ng militar na mga rebelde ang kanilang pinuntirya sa air strike, subalit sinabi ni Musib Uy Tan, municipal administrator at spokesman ni Datu Piang Mayor Samer Uy na pawang mga sibilyan ang nadamay.
Napag-alamang binomba ng militar ang isang pump boat na sinasakyan ng mga biktima habang naglalayag sa Pawas River sa Barangay Te patungong evacuation center sa Poblacion.
“They hit the wooden boat and five children and their father were killed. Their mother’s body is still missing. Another victim who survived the air strike is now in the hospital – they are all innocent civilians,” pahayag ni Tan sa GMA News.TV.
Wala naman ipinalabas na statement ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan, subalit kinondena ni Tan ang military attack kung saan nagsilikas ang 700 pamilya mula sa nabanggit na lugar.
Sa phone interview, kinumpima ni Army‘s 6th Infantry Division (ID) spokesman Col. Julieto Ando, bagama’t limitado ang kanilang operasyon ngayong Ramadan ay napilitan ang mga sundalo na gumanti matapos na ratratin ng mga rebelde na pinamumunuan ni Kumander Wahid Tundok ang chopper ng Philippine Air Force (PAF) na nagsasagawa ng security operations.
Nabatid na si Tundok ay isa sa mga field com mander ni MILF 105th Base Commander Ameril Umbra Kato, may patong sa ulong P10 milyon na nasa likod ng puwersahang pananakop sa 15 barangay sa North Cotabato noong unang araw ng Agosto.
Ayon sa ulat, umabot sa 16 rebelde Moro Islamic Liberation Front ang namatay sa isinagawang air strike kahapon
Sa radio interview, kinumpirma naman ni Ando na may mga sibilyang nasawi sa air strike kahapon ng umaga, subalit magsasagawa sila ng sariling imbestigasyon.
“Sometimes there is what we call collateral damages in armed encounters,” Dagdag pa ni Ando. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending


















