Masaklap ang sinapit ng isang 17-anyos na dalaga makaraang pilahan ng walong kalalakihan sa bakanteng lote sa Barangay Magsaysay sa bayan ng San Pedro, Laguna kamakalawa ng gabi. Arestado naman ang tatlong suspek na sina Bernard Romeon alyas Jon-jon habang ang dalawang iba pa ay kapwa menor-de-edad. Sa police report na nakarating sa Camp Crame, nabatid na nakipag-inuman ang biktima sa walong suspek na pawang kabarkada nito. Napag-alamang jumingle sa likuran ng isang bahay ang biktima nang sundan siya at pilahan ng mga suspek na sina Jayson Felisario, isang alyas Cholo, Junjo Anonueva, Patrick Prando, Toto Yatco at ang tatlong naaresto. Joy Cantos
2 todas sa engkuwentro
Bangued, Abra – Dalawang sundalo ng 41st Infantry Battalion ng Phil. Army ang iniulat na nasawi habang dalawang iba pa ang nasugatan sa tatlong oras na bakbakan laban sa mga rebeldeng New People’s Army sa liblib na bahagi ng Barangay Duldulao sa bayan ng Malibcong, Abra noong Biyernes ng hapon. Nagpaabot ng pakikiramay at simpatiya si Major General Melchor Dilodilo, commanding general ng Philippine Army’s 5th Infantry Division, sa pamilya nina Private First Class Jones Andrade at Aurelio Begtang Jr. na nasapol sa pakikipaglaban sa mga rebelde. Sugatan naman sina 2nd Lt. Junmar Tutoy at Corporal Oscar Cagurangan. Ayon kay Lt. Eduard Sia-ed, spokesman ng 41st IB, patungo ang tropa ni 2 Lt. Regie Go sa Barangay Duldulao para sa community relation mission nang makasagupa ang mga rebeldeng nangongotong sa mga residente. Artemio A. Dumlao
Taiwanese dedo sa road mishap
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Napatay ang isang negosyanteng Taiwanese habang tatlong iba pa ang malubhang nasugatan makaraang magsalpukan ang tatlong trak sa highway na sakop ng Barangay Trece Martirez sa bayan ng Casiguran, Sorsogon kamakalawa. Kinilala ng pulisya ang nasawing si Somon Eng Tan, manager ng MT. Merchandize at residente ng Naga City. Samantala, naisugod naman sa St. Peter and Paul Hospital sa Sorsogon ang mga sugatang sina Joel Coronel, Ramil Berces, Alfredo Columna, at si Roberto Orpiada. Kabilang ang sasakyang nagkarambola ay ang trak (XHB-916) ni Charlie Refane na sinasakyan ni Tan, trak (HVN-457) ni Melvin Marcelino at ang trak (REF-355) ni Alfredo Columa. Ed Casulla
Munisipyo, paaralan nilooban
Libu-libong ari-arian ang nalimas ng mga ‘di-pa kilalang kalalakihan makaraang looban ang isang munisipyo at eskuwelahan sa bayan ng Janiuay, Iloilo kamakalawa ng gabi. Sa police report na nakarating kahapon sa Camp Crame, aabot sa P80,000 cash ang natangay ng mga magnanakaw sa St. Julian Academy habang hindi pa mabatid ang halaga na nalimas sa municipal hall ng Janiuay kung saan nadiskubre kahapon ng umaga na bukas na ang mga opisina ng Treasurer, Budget at Municipal Social Welfare and Development Office.Tumanggi namang tukuyin ng pulisya ang pagkikilanlan ng mga kawatan habang isinasagawa ang follow-up operation. Joy Cantos