Aabot sa limang cell site ng Globe Telecoms ang magkakasunod na sinabotahe ng mga rebeldeng New People’s Army sa magkakahiwalay na panibagong paghahasik ng karahasan sa Kabikulan, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat ni Col. Ariel Bernardo, commanding officer ng 901st Infantry Battalion ng Philippine Army, unang pinasabog ang cell site sa Bgy. Humapon, Legazpi City, Albay noong Biyernes ng gabi.
Makalipas ang 5-minuto ay binomba ang isa pang cell site sa Bgy. Bacong sa Ligao City habang isinunod naman ang dalawang cell site sa bayan ng Barcelona, Sorsogon at sa bayan ng Jovellar, Albay.
Bukod sa apat na magkakasabay na pagsabog, una nang sinunog ng mga rebelde ang isa pang cell site sa bayan ng Del Gallego, Camarines Sur noong Huwebes ng gabi.
Tinatayang umaabot sa milyong halaga ng ari-arian ang napinsala sa naganap na pananabotahe ng mga rebelde na pinaniniwalaang nasa ilalim ng Romulo Jallores Command na nag-ooperate sa Camarines Sur. Samantala, tulad naman ng mga nauna nang pananabotahe ng NPA rebs ay pangingikil ng revolutionary tax ang lumilitaw na motibo. Joy Cantos at Ed Casulla