Lima katao kabilang ang apat na miyembro ng isang pamilya ang nasawi nang pagtatagain sila ng isang lalakeng hinihinalang may diperensya sa isip sa Atimonan, Quezon kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga biktima na pawang tadtad ng mga taga sa katawan na sina Elizabeth dela Torre, 27 anyos; mga anak nitong sina Eliza, 3 anyos; Arvin, 5, at Aiselyn Nicole, 4 buwang gulang na sanggol; at ang kapitbahay ng pamilya na si Rosemarie San Juan, 12 taong gulang.
Nadakip naman ng mga awtoridad kinalaunan ang suspek na si Mario Banal.
Dakong alas-10:00 ng gabi nang maganap ang karumaldumal na krimen sa masukal na bahagi ng Barangay Malusak sa Atimonan.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na ang mga biktima galing sa isang peryahan nang harangin ni Banal na armado ng matalim na itak.
Bigla na lamang umanong nanlisik ang mga mata ni Banal bago sunud-sunod na hinataw ng taga ang mga biktima sa kabila ng pag-iiyakan ng mga ito.
Hanggang sa kasalukuyan, patuloy na inaalam ng mga imbestigador ang motibo ni Banal sa pagmasaker sa mga biktima.
Gayunman, hindi makausap nang maayos ang suspek dahil sa paiba-iba nitong sagot sa mga katanungan na sinabing hindi niya rin batid kung bakit pinaslang niya ang mga biktima.