BAGUIO CITY – Kalaboso ang binagsakan ng anim na sibilyan makaraang maaktuhang nagbebenta ng karne ng aso sa public market sa Baguio City kamakalawa. Sa pangunguna ni SPO4 Rizal Malicsi ng Criminal Investigation and Detection Group-Cordillera at National Meat Inspection Service-Cordillera na pinamunuan naman ni Dr. Florentino Pintor, nadakma ang mga suspek na sina Pio Montano, Nelson Patacsil, Bryan Angala, Jovelita Corpus, pawang retailer sa Baguio public market; Rosalie Selga ng Rosario, La Union at drayber nitong si Daniel Flores. Nakumpiska kina Montano at Patacsil ang pitong aso na kinatay habang 24 naman kay Angala at tatlo kay Corpuz. Sa isinagawang operasyon kasama ang grupong Animal Kingdom Foundation (AKF) sinalakay ang nabanggit na palengke at nakakumpiska ng may 258 kilong karne ng aso. Artemio A. Dumlao
Mag-asawa nilikida
KIDAPAWAN CITY – Napaaga ang salubong ni kamatayan sa mag-asawang magsasaka makaraang pagbabarilin ng may-ari ng gomahan noong Sabado ng gabi sa Barangay Bunawan sa bayan ng Tulunan, North Cotabato. Natagpuan sa abandonadong bahay sa nabanggit na barangay ang katawan ng mga biktimang sina Leo at Jenny Japos na kapwa may tama ng bala ng baril sa likod, ulo at dibdib. Tugis naman ng pulisya ang pangunahing suspek na si Igmedio Tuting, may-ari ng gomahan kung saan nagtatrabaho ang mag-asawa. Malu Cadelina Manar
Town councilor itinumba
BATANGAS – Isang 52-anyos na town councilor ang iniulat na napaslang makaraang ratratin sa harap mismo ng munisipyo ng bayan ng Taal, Batangas kahapon ng umaga. Kinilala ni P/Supt. Crod Maranan, police chief ng Taal, ang biktimang si Franco Casanova ng Barangay Gahol at kasapi ng Kampi Party List. Ayon sa report, katatapos lang dumalo sa session si Casanova at papasakay na ng Toyota Crown na nakaparada sa harap ng municipal hall nang lapitan at pagbabarilin ng nag-iisang ‘di-pa kilalang lalaki. Sinisilip ng mga awtoridad ang anggulong pulitika at personal ang posibleng motibo sa pamamaslang. Arnell Ozaeta