2 bus sinunog ng NPA

Sinunog ng mga arma­dong kalalakihan na nag­pakilalang miyembro ng New People’ s Army ang dalawang bus sa terminal nito sa San Fabian, Panga­sinan kamakalawa ng gabi.

Tinatayang aabot sa P25 milyon ang halaga ng napinsala sa pagkasunog ng dalawang bagong unit ng Five Star airconditioned bus.

Ang insidente ay naga­nap pasado alas-9:00 ng gabi matapos magsibaba ang mga pasahero sa hu­ling biyahe ng Five Star Bus sa terminal nito sa Barangay Tempra Guilig, San Fabian.

Anim na mga rebelde na armado ng cal. 45 pistol ang nanutok ng baril at dumisarma sa nag-iisang guwardiya  at nagbanta na huwag magtatangka ang sinuman na manlaban kung ayaw ng mga itong masaktan.

Ayon sa mga rebelde, may atraso sa kanilang grupo ang may-ari ng Five Star Bus.

Agad na tinungo ng mga rebelde  ang loob ng terminal at sinabuyan ng gaso­lina ang isang bus saka sinilaban kung saan ay nadamay ang isa pang bus sa insidente.

Iniimbestigahan naman ngayon ng mga  awtoridad kung totoong mga NPA ang mga suspek.

Show comments