Pinagbabaril hanggang mapaslang ng hindi pa nakilalang salarin ang isang vice mayor ng Pantar, Lanao del Norte, ayon sa report ng pulisya kahapon.
Wala nang buhay nang maisugod sa Mercy Community Hospital sa Iligan City ang biktimang si Vice Mayor Hadji Abdul Rasid Onos.
Batay sa naantalang report na nakarating sa Camp Crame, naganap ang insidente dakong alas–8:00 ng gabi noong Miyerkules sa Barangay Poblacion sa bayan ng Pantar.
Ayon sa imbestigasyon, kausap ng biktima ang anak nitong lalaki nang dumaan ang mga suspek na lulan ng isang motorsiklo at walang sabi-sabing pinaulanan ng bala ang bise alkalde.
Duguang bumagsak sa lupa ang biktima na nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan.
Ang mga suspek ay mabilis namang nagsitakas patungo sa hindi pa malamang destinasyon.
Kaugnay nito, ipinagutos na ni Lanao del Norte Governor Khalid Quibranza Dimaporo ang malalimang imbestigasyon sa kasong ito upang mapanagot sa batas ang mga salarin.
Pinaniniwalaan namang may kinalaman sa alitan sa pulitika ang motibo ng krimen habang puspusan ang pagsisiyasat ng mga awtoridad.