Nagbanta ang mga bandidong Abu Sayyaf Group na pupugutan ang apat na kawani ng Baselco kapag hindi nakapagbigay ng malaking halaga ng ransom ang nasabing kompanya.
Napag-alamang tumaas na sa P2 milyong ransom ang hinihingi ng mga bandido kapalit ng paglaya ng mag-utol na sina Alberto at Emilberto Singson, at ang magkapatid din na sina Paul at Ian Helwig, pawang kawani ng Basilan Electric Cooperative (Baselco).
Una nang pinalaya ng mga bandido ang isang crewman ng Baselco na si Ronnie Tansiyung sa bahagi ng Sitio Batu-babat, Tuburan kung saan din nila dinukot ang mga ito noong Huwebes ng Hunyo 26 habang nagbabasa ng mga metro ng kuryente at repair work.
Sa unang kahilingan ng mga kidnaper na pinamumunuan ni Sayyaf Kumander Nur Hassan Jamiri at Usi Hassin ng Moro Islamic Liberation Front, aabot sa P1 milyon ransom, subalit itinaas sa P2-milyon sa gitna ng pakikipagnegosasyon ng mga pribadong grupo.
Umapela naman ang Baselco manager na si Alfredo Oyao na pakawalan na ang mga biktima dahil wala silang maibabayad.
Ayon sa ulat, ang grupo ni Jamiri ay nasa likod din ng pagdukot sa Italian priest na si Fr. Giancarlo Bossi noong Hunyo 10 at pinalaya sa loob ng 41-araw matapos magbayad ng ransom.