KIDAPAWAN CITY – Muli na naman pinasabog ang tower ng National Power Corporation (Napocor) sa Barangay Bagontapay, M’lang, Cotabato na may 200 metro ang layo mula sa M’lang-Makilala Highway, noong Miyerkules ng gabi..
Tatlong oras matapos pasabugin ang nasabing tower ay pinuntirya naman ng 2 rocket-propelled grenades ang bahagi ng 10MVA (Mega-Volt Amperes) ng Cotabato Electric Cooperative (Cotelco) sa Barangay Manubuan, Matalam.
Napag-alamang ikaapat na ito sa kaso ng pananabotahe ng mga armadong grupo sa mga pasilidad ng kuryente sa Central Mindanao.
Nabatid na ang pinabagsak na tower ng Napocor sa bayan ng M’lang, ang nagsu-suplay ng kuryente mula Iligan City patungong Tacurong City.
Samantala, ang Cotelco sub-station sa Manubugan Village sa Matalam ang nagsu-suplay ng kuryente sa may 13 bayan sa North Cotabato, ayon kay Felix Canja, opisyal ng Cotelco.
Wala namang naiulat na nasawi o nasaktan sa naturang pag-atake bagama’t nagdulot ito ng takot sa mga residente, ayon na rin kay Wilfredo Tabingo, magsasaka ng Barangay Bagontapay, M’lang. Malu Cedelina Manar