9 kalaboso sa pagbibiyahe ng wild animals

CALACA, Batangas  – Naaresto ng mga awtoridad ang siyam-katao makaraang makumpiskahan ng mga endangered wild animals sa bayan ng Calaca, Batangas kahapon ng umaga.

Kinilala ni P/Chief Insp. Gerson Bisayas, Calaca police chief, ang mga suspek na sina Dexter Flores, 32, ng Caloocan City; Olicronio Marcaida, Rey Ti, 27;  Robin delos Reyes, 29; Eddie Ortega, Albert Canlapan, 38; Minda Asuncion, Myrna Delos Reyes at Edna Ponciano na pawang mga residente ng Puerto Princesa, Palawan.

Sa police report, nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad mula sa mga residente ng Barangay Talisay na may namataan silang dumaong na banka na may kargang mga ibon at ibat-ibang klase ng hayop bandang alas-3 ng madaling-araw.

Kaagad naman rumesponde ang pulisya hanggang sa masabat ang isang Fuso Canter closed van (UCD-897) sa kahabaan ng highway na sakop ng Barangay Sinisian at nasabat ang 200 ibon kabilang na ang isang Agila, mga Myna birds, green at white parrots at tatlong bear cats na pawang mga walang dokumento.

Sa panayam ng PSNgayon kay Major Bisayas, nagmula ang mga hayop sa Puerto Princesa, Palawan at nakatak­dang ibenta sa mga petshop sa Metro Manila.

Nasa pangangalaga ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga ibon at hayop sa University of the Philippines sa Los Ba­ños, Laguna. Arnell Ozaeta

Show comments