LEGAZPI CITY – Kasalukuyang nakikipaglaban kay kamatayan ang magpinsang lalaki makaraang saksakin ng isang sound system operator sa Sitio Dumping, Barangay Larap sa bayan ng Jose Panganiban, Camarines Norte kamakalawa ng hapon. Kasalukuyang ginagamot sa Camarines Norte Porvincial Hospital ang mga biktimang sina Fidel Vega at Roderick Vega, kapwa binata at residente ng nabanggit na barangay. Samantala, sumuko naman ang suspek na si Eduard Scott, 26, ng Purok 1 sa nasabing lugar. Lumilitaw sa pagsisiyasat ng pulisya na nag-request ng musika ang mga biktima sa suspek subalit binalewala nito. Napahiya ang magpinsan kaya nilapitan nila ang suspek saka sinabuyan ng alak. Dito nagalit ang suspek at isinagawa ang krimen. Ed Casulla
Mag-ama utas sa ambush
Tinambangan at napatay ang mag-ama ng dalawang armadong kalalakihan sa bahagi ng Calabugao Bridge, Sitio Bagong Pook sa Barangay Poblacion sa bayan ng Baco, Oriental Mindoro kamakalawa. Naisugod pa sa MMG Hospital sa bayan ng Capalan subalit idineklarang patay sina PO3 Antonio Dalawampu Abarquez, 34; at ang kanyang 11-anyos na anak na si Mycca Antoinette. Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, sakay ng motorsiklo ang mag-amang Abarquez at papauwi na nang ratratin ng riding-in tandem gunmen. Tinangay pa ng killer ang service firearm ng biktima bago mabilis na tumakas. May posibilidad na may nakaalitan si PO3 Abarquez at nadamay lamang ang kanyang anak na babae. Danilo Garcia
2 bata todas sa dengue
BULACAN – Dalawang bata ang iniulat na nasawi habang 13 iba pa ang naospital makaraang muling manalasa ang dengue sa Barangay Binagbag sa bayan ng Angat, Bulacan noong unang Linggo ng Hunyo. Sa ulat ni Chairman Rodolfo Santos ng nabanggit na barangay at pangulo ng Association of Barangay Captains (ABC), kinilala ang mga biktimang nasawi na sina John Miko Agles, 8, na inilibing noong Hunyo 12, at si Jennica Rose Reyes, 9. Hindi naman nagpatumpik-tumpik sa paghihintay ng tulong mula sa provincial office at nagtulung-tulong ang mga opisyal ng barangay na gumawa ng paraaan upang masawata ang pagkalat ng dengue sa nabanggit na barangay. Dino Balabo