5 bayan inulan ng yelo
BANAUE, Ifugao – Tatlumpung minutong sindak ang bumalot noong Miyerkules sa limang bayan sa Ifugao makaraang umulan ng yelo na pinaniniwalaang magdadala ng peste sa maraming pananim ng mga magsasaka.
Ayon kay Vency Bulayungan ng government-run Phil. Information Agency (PIA), kabilang sa mga bayang inulan ng yelo noong Miyerkules ng hapon ay ang Lagawe, Asipulo, Hingyon, Tinoc at the capital town na Banaue.
Nagpahayag naman ng takot ang mga magsasaka sa pag-ulan ng yelo sa kanilang bayan dahil sa malaking epekto nito sa pananim kabilang na ang palayan.
Ayon naman sa isang magsasaka sa bayan ng Banaue na si Ellena Calingayan, posibleng magdala ng kakaibang peste sa kanilang palayan ang hailstorm kung saan naglalabasan ang uod.
Noong nakalipas na taon, ayon kay Bulayungan, nagrereklamo ang mga magsasaka sa Ifugao dahil sa pananalasa ng uod sa kanilang palayan matapos umulan ng yelo.
Naobserbahan ng mga magsasaka na ang mga uod na lumalabas mula sa ilalim ng lupa sa tuwing kakagat ang dilim saka hahatiin ang tanim na palay sa dalawang bahagi.
Napag-alamang mabilis dumami ng uod kaya kaagad na naapektuhan ang ektaryang palayan noong nakalipas sa taon.
Ayon sa ulat, ang hailstones ay karaniwang may sukat na 5 hanggang 150 millimeters in diameter at mas malaki kapag tumitindi ang thunderstorms.
- Latest
- Trending