19 sugatan sa suwag ng bus

Labinsiyam-katao ang iniulat na nasugatan maka­raang suwagin ng pampasaherong bus ang isang maliit na tindahan sa Barangay Tinaan, Naga City, Cebu kamakalawa.

Kabilang sa mga biktimang naisugod sa Vicente Sotto Memorial Medical Center at Cebu South General Hospital ay sina Salome Ortega, Maria Lyn Fuentes, Estrella Amaga at si Freddie Laguna.

Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, binabagtas ng Ceres bus (GWK-751) na minamaneho ni Gedion Goc-ong, 37, ang kahabaan ng highway nang iwasan nito ang nasiraang multicab na itinutulak ng ilang kalalakihan.

Napag-alamang madulas ang kalsada dahil sa ulan ay nawalan ng kontrol sa manibela ang driver kaya sinalpok nito ang isang tindahang pag-aari ni Josephine Alcaide, ayon kay PO2 Jesus Cañete.

Maliban sa tindahan ay  sinalpok din ng bus ang nakaparadang sasakyan ni Gregorio Canonigo. Samantalang naaresto naman ang driver ng bus. (Joy Cantos)

Show comments