Mayor, vice mayor inambus
Nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang dalawang mataas na opisyal ng lokal na pamahalaan subali’t napatay naman ang kanilang escort na sundalo na bahagi ng reinforcement troops sa pananambang ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa bahagi ng Barangay Bangun sa bayan ng Gamay, Northern Samar kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mga opisyal na sina Gamay Mayor Timoteo Capoquian at Vice Mayor Henry Gamba, habang namatay naman si Private First Class Jemuel Lonzaga ng Army’s 63rd Infantry Battalion.
Ayon sa ulat na nakarating sa Camp Crame, sina Capoquian at Gamba na ineeskortan ng mga tauhan ng Special Operating Team ng Army’s 63rd IB mula sa piyestahan at kasalukuyang pauwi na nang tambangan ng mga rebelde habang bumabagtas sa nasabing lugar.
Agad namang nagsagawa ng reinforcement ang iba pang sundalo matapos radyuhan mula sa convoy ng mga biktima hinggil sa pananambang.
Gayon pa man, habang patungo sa nasabing lugar ay tinambangan din ang reinforcement troops ng mga sundalo ng blocking force ng mga rebelde na nakaposisyon sa Sitio Tugbo, Barangay Bato na ikinasawi ni Lonzaga.
Napilitan naman ang mga rebelde na magsiatras matapos na makipagpalitan ng putok sa mga sundalo. Joy Cantos
- Latest
- Trending