KIDAPAWAN CITY — Pinagbabaril hanggang sa mapaslang ang spokesman ng militanteng grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa Southern Mindanao sa naganap na panibagong karahasan sa Sitio Bugac, Barangay Ma-a, Davao City kahapon ng umaga.
Si Celso Pojas, 42, na tumatayo ring secretary general ng Farmers Association ay niratrat ng mga di-kilalang kalalakihan habang nagkakape sa harap mismo ng Farmer’s Center bandang alas-6 ng umaga.
Nagawa pang makatakbo ng biktima subali’t hinabol ito ng dalawang gunmen saka muling pi nagbabaril upang makatiyak na mapapatay nila ang target.
Nabatid na ang biktima ay nakatakdang magtungo sa Compostela Valley para bisitahin ang mga evacuees na nagsilikas sa kanilang tahanan upang hindi maipit sa opensiba ng militar laban sa mga rebeldeng komunista.
Duda naman ang KMP-SMR na posibleng ang mga killer ay ahente ng intelligence agency ng militar.
Sa tala ng KMP, si Pojas ay ika-904 biktima ng extrajudicial killing at ika-105 miyembro ng KMP na napatay simula ng manungkulan si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong 2001. Nina Malu Manar at Joy Cantos