Sinalakay ng mga awtoridad ang binansagang “Little Colombia” na ginawang shabu tiangge sa isinagawang operasyon sa Barangay Datu Ismael sa bayan ng Dasmariñas, Cavite, kahapon ng umaga. Gayon pa man, nakatakas at ngayon ay tugis ng mga awtoridad ang mga suspek na sina Mastorah Amentao, Hadj Jonairah Intan-Adam, Sittie Hadji, Nashripa Ismael, Mucsis Amentao, Pembago Manap at ang Barangay Councilwoman na si Linda Amer na pinaniniwalaang operator ng shabu tiangge. Sa ulat ni P/Supt. Steve Ludan, hepe ng Special Operations Group ng Cavite PNP, posibleng natunugan ng mga suspek ang kanilang operasyon bago pa sila makapasok sa nabanggit na barangay. Nakumpiska sa raid ang isang baby armalite rifle, automatic shotgun, cal. 45 pistol , 200 piraso ng mga bala at siyam na plastic sachets ng shabu. Joy Cantos at Cristina Timbang