LIPA CITY, Batangas – Dalawang sarheto ng Philippine Marines ang naaresto ng mga awtoridad matapos kilalanin ng isang negosyanteng Tsinoy na dumukot sa kanya noong Lunes ng hapon, ayon sa pulisya.
Kinilala ni P/Supt. Rodney Ramirez, Lipa police chief, ang mga suspek na sina Staff Sergeant Tomas Garcia at Staff Sergeant Quirino Castillo, kapwa 38-anyos, mga residente ng Barangay Altura, Tanauan City at naka-assign sa Marine Security Escort Group, Fort Moniquolo, Taguig City at 6th Infantry Division sa Basilan.
Ayon sa ulat, sina Garcia at Castillo ay itinuturong dumukot sa may-ari ng hardware store na si Joselito Go, 49, ng Concepcion Estate, Barangay Mataas Na Lupa, Lipa City.
Napag-alamang papauwi na si Go nang harangin ng limang armadong kalalakihan may ilang metro ang layo sa kanyang garahe habang sakay ng kanyang Nissan X-Trail (XRH-224) bandang alas-5:38 ng hapon noong Martes (April 1, 2008).
Sa salaysay ng biktima, hiningan siya ng P15-milyon para makalaya pero nagawa niyang maibaba sa P1 milyon matapos ang mahabang pakiusapan.
Pinayagan lang makalaya si Go ng mga kidnaper matapos mangakong mag-iipon ng P1-milyon at ibigay ang kanyang clutch bag na may lamang P.270 milyon, relos na Tudor (P98,000), celfone (P26,000) at gold bracelet na may halagang P.1 milyon para maging parte sa kanyang ransom.
Kaagad naman nakipag-ugnayan si Go sa pulisya matapos pakawalan noong Abril 2 sa bahagi ng Barangay Bulihan sa Malvar, Batangas.
Sa isinagawang entrapment operation, nagpanggap na drayber ni Go si P/Inspector Joel Laraya na nakipag-ugnayan sa mga kidnaper na magkita sa Levitown sa Barangay Maraouy hanggang sa madakip ang dalawa na sakay ng Toyota Corolla (UMJ-332) noong Lunes ng hapon.
Kasalukuyan nang nakakulong ang dalawang Marines sa Lipa police station habang inihahanda ang kasong kidnapping at robbery laban sa mga ito.