KIDAPAWAN CITY – Tatlong sundalo ng Phil. Army ang kumpirmadong napatay habang 20 iba pa ang nasugatan makaraang tambangan ng mga rebeldeng New People’s Army na gumamit pa ng landmine sa kanilang pag-atake laban sa tropa ng pamahalaan sa liblib na bahagi ng Brgy. Ilustre sa Pres. Roxas, North Cotabato kahapon ng umaga.
Kabilang sa mga napatay na sundalo ay nakilala sa mga inisyal na Corpl. Balibaguso, Corpl. Cabanero at PFC. Dalamban na pawang miyembro ng Charlie Company ng 39th Infantry Battalion.
Sugatan naman sina 2nd Lt. Nemesis, commander ng nasabing batalyon; Roemo Mayormita, Eugenio Alido, Sapulong Maguierma, Panto Bala, Gilbert Palma, Abdul Kadir, Felicito Malaya, Arnold Capilitan, Philip Pulla, Zainudin Adio, Mario Castillon, at ang ibang nakilala lamang sa apelyidong Abang, Jabibalo, Becena, Guaban at Recia.
Ayon sa ulat, kinailangan pang turukan ng pampakalma si 2nd Lt. Nemesis nang magwala ito sa Arakan Valley District Hospital dahil gustong gumanti sa NPA.
Ayon kay Major Lyndon Paniza, commander ng Army’s 39th Infantry Battalion, sakay ng military truck ang tropa ni 2nd Lt. Nemesis at patungo sa kabundukang bahagi ng Brgy. Ilustre para tumugon sa ulat na may namataang NPA nang maganap ang pananambang.
Kasunod nito, sumambulat ang landmine na itinanim ng NPA sa gitna ng highway.
Samantala, apat na rebeldeng New People’s Army ang napaslang sa isinagawa namang hot pursuit operations ng mga sundalo laban sa grupo na nanambang na nagkukuta sa maliit na kampo sa kabundukang bahagi ng nabanggit na barangay. (Malu Cadelina Manar at Joy Cantos)