BATANGAS – Dalawang opisyal ng barangay at dalawa pang sibilyan ang nahaharap ngayon sa kasong kriminal makaraang tumangging i-surender sa mga awtoridad ang inaarestong wanted person sa Barangay 11 Poblacion, Batangas City, Batangas, kamakalawa
Ayon kay P/Supt. Christopher Tambungan, hepe ng Batangas City PNP, kinasuhan sa Prosecutors Office sina Rodolfo Marcial, 64, at Levi Perculeza, pawang mga konsehal ng Barangay 11 at ang mag-utol na sina Roger at Robert Ferrer.
Napag-alamang isisilbi sana ang warrant of arrest na inisyu ni Judge Ruben Galvez sina PO3 Jerome Andal at PO3 Arnold Delos Reyes laban sa suspek na si Romeo Ferrer na may kasong pagbebenta ng illegal na droga nang makialam ang dalawang konsehal at ang mag-utol na ikinasugat ng dalawang pulis.
Dahil sa insidente, kaagad naman inaresto ng pulisya sa pangunguna ni Col. Tambungan sina Marcial at Roger Ferrer sa barangay hall habang tugis naman sina Perculeza at Robert Ferrer.
Kasalukuyang nakakulong sa Batangas police station si Romeo Ferrer na sinentensyahan ng life imprisonment noong June 12, 2007 at pinagbabayad ng P.5-milyon para sa damages. (Arnell Ozaeta)