Bus pinasabog sa terminal

Isa na namang pampa­saherong aircon bus ng Peo­ples’ Transport na naka­parada sa bus terminal sa bayan ng Midsayap, North Cotabato ang iniulat na ang pinasabog ng mga  miyem­bro ng Al-Kho­bar extortion group kamaka­lawa ng gabi.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ng Army’s 6th Infantry Division na pinamu­munuan ni Major Gen. Ray­mundo Ferrer, naganap ang pag­papasabog sa teminal ng Weena bus bandang alas-8:45 ng gabi sa kaha­baan ng Rizal St. sa bayang nabang­git. Sa inisyal na imbesti­gas­yon, isang uri ng 81mm mortar ang ginamit sa pag­papa­sabog sa isang unit ng Weena Bus Line  kung saan ang eks­plosibo ay itinanim sa kanal malapit sa na­ka­pa­radang bus.

Napag-alamang nawa­sak ang bubungan, bintana at mga upuan ng bus na may plakang MVH-798.

Wala namang naiulat na nasugatan at nasawi sa insi­dente subali’t lumikha ito ng ma­tinding takot sa mga pasa­hero nag-aabang ng ibang papasa­dang pampa­sa­herong bus.

May palatandan ang mga imbestigador na ang Al-Kho­bar extortion gang ang nasa likod ng pagpapasabog sa nasabing bus dahil bago ang insidente ay nakatang­gap ng extortion letter ang pangasi­waan ng nasabing kumpanya.

Base sa tala, simula noong 2002 ay siyam na unit na ng Weena Bus Company ang bi­nomba ng lokal na teroris­tang grupo sa lugar.

Pansamantalang naan­tala ang operasyon subalit bumalik na sa normal ang biyahe ng Weena Bus Line na may ruta patungong Co­ta­bato City-Davao. (Joy Cantos at Malu Manar)

Show comments