BULACAN — Walo-katao ang inaresto ng pulisya makaraang masabat ang ilang dram na naglalaman ng nakalalasong kemikal sa Barangay Masuso, Pandi, Bulacan kahapon.
Ayon kay Chief Inspector Rene Casis, kabilang sa mga inarestong suspek ay sina: Jessie Camosco ng Brgy. Camanyangan, Sta. Maria; Blandino Cabarles, Mark Alfred Cabarles, Michael Cabarles, Aram Estrella, Ronald Rogados ng Brgy. Tungkong Mangga, San Jose Del Monte City at si Jefrey Timbang ng San Miguel, Bulacan.
Ayon sa ulat, ang mga suspek na nag-deliver ng mga dram na may lamang kemikal ay lulan ng Isuzu Elf truck (UPY-188) at Isuzu Forward truck na may plakang RDP 829.
Napag-alamang nagmula ang mga dram ng kemikal sa D&L factory sa Manggahan, Pasig City at nakumpiska rin ang delivery receipt na pirmado ng isang nagngangalang Ping Yu. Nadiskubre rin ng mga awtoridad ang 700 dram na pinaniniwalaang naglalaman ng nakalalasong kemikal sa bakanteng lote sa nabanggit na barangay na pag-aari ni Fely Concepcion.
Ayon kay Barangay Chairman Pedro Avendaño, matagal nang inirereklamo ng mga residente ang masangsang na amoy mula sa bakanteng lote na sinasabing pinagtatapunan ng kemikal.
Kapag napatunayang nakalalasong kemikal ang laman ng mga dram ay kakasuhan ang mga suspek at ang may-ari ng bakanteng lote na ginagamit na imbakan. Dino Balabo