BATANGAS CITY – Lumalabas na ang anak ang pangunahing suspek sa pagpatay sa sariling ina na Koreana na natagpuan sa madamong bahagi ng Barangay San Mariano sa bayan ng San Pascual, Batangas noong April 3, 2008
Ayon kay P/Senior Supt. David Quimio, Batangas police director, sa mga nakalap nilang impormasyon sa Korean Embassy, may mga posibilidad na ang suspek na si Jeongong Wonseo, ang nagplano sa pagpatay sa sariling ina na si Young Ja-Park, 66-anyos.
Matatandaang magkasama ang mag-inang dumating sa bansa bilang turista at namamasyal sa Shangri-La Makati noong April 3 nang sandaling maghiwalay muna at nagkasundo na lang na magkita sa tinutuluyan nilang Emerald Condominium sa Ortigas, San Juan.
Napag-alamang hindi na nakabalik ang matanda sa kanilang condominium hanggang sa matagpuang patay bandang alas-8:30 ng gabi na may tama ng bala sa ulo.
Una nang pinaghinalaan ng pulisya na sindikato ng mga Koreano ang responsable sa krimen subalit kinalaunan ay may mga motibong nagtuturo sa suspek.
Sa panayam ng PSNGAYON kay PO2 Raymond Matibag, may dumating na isang Koreanong congressman sa bansa at nagbigay ng mga impormasyon na nagtuturo sa anak ng biktima na posibleng responsable sa pagpatay.
Ayon sa congressman, nakapagbenta ng property ang matanda sa Korea na nagkakahalaga ng $10-million dollars na posibleng pinag-interesan ng kanyang anak. Arnell Ozaeta