Brutral na kamatayan ang sinapit ng isang negosyanteng tinaguriang “Sisig queen” ng Pilipinas makaraang martilyuhin sa ulo ng ‘di-pa kilalang lalaki sa loob ng kanyang tahanan sa Angeles City, Pampanga kahapon ng umaga.
Base sa ulat ng pulisya na isinumite sa Camp Crame, lumilitaw na natagpuan ang bangkay ni Lucita Cunanan, 80, bandang alas-5 ng umaga sa loob ng kanilang bahay sa Pineda Street sa Barangay C.M. Recto, Angeles City.
Sa salaysay sa mga awtoridad ni Dr. Louie Sison, doktor ng pamilya Cunanan, patay na si Aling Lucing Sisig nang suriin niya ang pulso nito kung saan magtamo ng malalaking sugat sa ulo sanhi ng matigas na bagay
Lumilitaw na bandang alas-4:30 ng madaling-araw nang umalis sa bahay ang mister ni Aling Lucing na si Mang Tino para bumili ng almusal.
Sinasabing pagnanakaw ang motibo ng krimen matapos na madiskubreng ilang alahas ng biktima ang nawawala.
Posibleng sinamantala ng killer ang pag-iisa ng matandang trader saka isinagawa ang krimen.
Walang palatandaang pinuwersang buksan ang pintuan ng bahay ng biktima kaya posibleng isalang din sa masusing imbestigasyon si Mang Tino at ang kanilang kasambahay. Joy Cantos