CAMP VICENTE LIM, Laguna – Posibleng masibak sa tungkulin ang mga pulis ng isang bayan sa Palawan makaraang matakasan ng 19-Vietnamese na na una nilang naaresto habang iligal na nangingisda sa karagatang sakop ng Palawan noong Linggo ng umaga.
Ayon kay P/Senior Supt. Dennis Pena, Palawan police director, naaresto ng mga pulis-Balabac, ang 21 Vietnamese matapos madiskubreng may mga pawikang nalambat at mga endangered na isda sa kanilang fishing boat.
Napag-alamang dumaong ang grupo ng Vietnamese sa nasabing isla matapos masalubong ang bagyong “Ambo” sa Palawan at hindi inaasahang insidente kaya ikinulong.
Subalit noong Lunes ng gabi, nabulabog ang Balabac police station matapos madiskubre nilang natakasan sila ng 19 sa 21 Vietnamese na kanilang naaresto habang nasa kasagsagan ng bagyo.
“Sinamantala ng mga Vietnamese ang tiwalang ibinigay sa kanila ng ating mga pulis matapos payagan silang pumunta sa kanilang fishing boat para kumuha ng kanilang pagkain,” pahayag ni Pena.
Gayon pa man, kakasuhan naman ng illegal entry at illegal fishing ang kapitan ng Vietnamese fishing boat na nakilala lamang sa alyas “Dan” at ang kanyang chief mechanic na si Wee Wam Tam na pawang naiwan sa presinto. Arnell Ozaeta