Nalutas na ng pulisya ang pumaslang kay Viva Hot Babe model Scarlet May Garcia, at tatlong iba pa sa Olongapo City noong nakalipas na buwan.
Ito ang inihayag kahapon ni Olongapo City Police chief Senior Supt. Abelardo Villacorta, pinuno ng “Task Force Scarlet” matapos na lumitaw sa ballistic test na ang baril na narekober sa dalawang suspek na nasakote noong Biyernes (Abril 4) sa San Fernando City, Pampanga ay ang mismong baril na ginamit sa krimen.
“Three pistols were recovered, .45 cal. Charles Daly pistol, a CZ74 9mm pistol at isang 9mm Bernadelli PO18SGardone VT,” pahayag ni Villacorta kung saan ang mga basyo ng 9mm Bernadelli ay nag-match sa narekober na mga bala sa crime scene kung saan minasaker ang apat.
Kasabay nito ay kinasuhan kahapon ang mga suspek na sina Jay-Ar Perez Mojicam, 21; at Ferdinand Cadenas, alyas John Ariel Santos, 23, ng Mandaluyong City.
Una rito, ay nadakip sina Cadenas at Santos, dahil sa pagnanakaw sa isang subdivision sa nabanggit na lungsod, habang nakatakas naman sina Henry Cheng Fong, alias Bok, Benny Crisologo at Anthony Benipayo.
Sa resulta ng ballistic test, ang baril na lisensyado sa pangalan ng isang Miguel Lagman na ginamit sa pagpatay kay Garcia ay siya ring baril na ginamit ng mga suspek sa pagnanakaw sa Villa Corazon Subdivision sa Pampanga.
Magugunita na ang mga biktima ay iginapos, pinagbabaril saka tinangkang sunugin matapos silaban ang Townhouse na inuupahan nina Scarlet at George Vitug Castro, mga bisitang sina Rachell Espacio at Van Mark Vandejas noong madaling-araw ng Marso 13 upang itago ang krimen. (Joy Cantos at Alex Galang)