Crew ng NBN 4 itinumba

Isang crew na tumatayong lightman electrician ng NBN Channel 4 ang iniulat na nasawi makaraang pagbabarilin ng isang barangay tanod sa bayan ng Pulilan, Bulacan, noong Sabado, ayon sa opisyal kahapon.

Kinilala ang biktima na si Ronando Geronimo, 40, samantalang tugis naman ng pulisya ang suspek na si Gil Fernando, 41, team leader ng Barangay Security and Development Office sa Barangay Taal sa nabanggit na bayan.

Ayon kay P/Inspector Gerry Andaya, kamakalawa lamang nai-report ang krimen kung saan sakay ng motorsiklo ang biktima kaangkas ang isang babae nang pagbabarilin ng suspek.

Bagaman nagawa pang patakbuhin ng biktima ang kanyang motorsiklo ay nawalan na ito ng kontrol sa manibela at binawian ito ng buhay kung saan sugatan ang babaeng kasama nito.

Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, ang insidente ay ini-report lamang sa pulisya ng nasabing babae kamakalawa matapos itong magpagamot.

Si Geronimo ay isa sa mga lightmen-electricians ng NBN-4 na nakatalaga sa Talakayan sa Isyung Pulis (TSIP), ang lingguhang forum ng PNP sa Camp Crame.

Ayon sa mga crew na kasamahan ng biktima, namatay si Gero­ nimo  sa gitna na rin ng ginagawang paghahanda para sa ikalawang taong anibersaryo ng TSIP sa susunod na linggo. (Joy Cantos)

Show comments