Mga opisyal ng DPWH kakasuhan

MALOLOS CITY, Bulacan – Nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways kaugnay sa pagkakaputol ng may 682 punongkahoy sa kahabaan ng Mc Arthur High­way sa Bulacan. Ayon kay Atty. Jose Dela Rama Jr., dating pangulo ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) Bulacan Chapter, muli nilang kakasuhan ang nasabing ahensya sa pamamagitan ng Bulacan State University Marcelo H. Del Pilar Law School.

“Hindi dapat na putulin ang mga punongkahoy sa gilid ng kalsada sapagkat malaki ang maitutulong nito sa lumalalang init ng panahon sa kasalukuyan,” dagdag pa ni Atty. Dela Rama.

Samantala, ayon naman sa DPWH assistant district engineer na si Ruel Angeles, bahagi ng road widening project ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at binigyan sila ng permiso ng Department of Environment and Natural Resources ng tatlong buwan para putulin ang mga punongkahoy sa MacArthur Highway mula Bocaue hanggang Calumpit.

Siniguro naman ni Angeles sa publiko na kanilang papalitan ng 12,560 seedling ang kabuuang 682 na mga punongkahoy na kanilang puputulin. (Dino Balabo)

Show comments