Trahedya ang sumalubong sa apat na manggagawa na kaagad na kinarit ni kamatayan habang anim na iba pa ang nasugatan makaraang mabagsakan ng steel truss na kanilang itinatayo sa West Cebu Industrial Park sa Barangay Buanoy, Balamban, Cebu kamakalawa.
Kabilang sa mga biktimang idineklarang patay sa Balamban District Hospital ay sina Arthur Subing-Subing, 30; Rivera Seludono Jr., 46; Israel Torselias, 39; at Dindin Romeo.
Lima sa anim na nasugatan ay sina Francisco Imedio, 26; Narciso Ruiz, 32; Gerome Tuline, 25; Danilo Capangpangan, 42 at si Ruel Arcillias, na pawang mga trabahador ng Metaphil, na gumagawa ng hull-fabrication sa gusali ng Tsuneishi Heavy Industries (Cebu) Inc., isang kompanya ng shipbuilding sa Balamban.
Ayon kay PO2 Ceasar Climaco, ang mga nasawing biktima ay nasa ibabaw ng 30 metrong taas ng steel truss nang bumigay at tuluyang bumagsak.
Sa pahayag ni Leo Salubre, environment manager ng Tsuneishi “makikipagtulungan naman kami sa Metaphil para mabigyan ng tulong ang mga nasawi at sugatang biktima.”
Patuloy naman ang imbestigasyon upang mabatid kung sumunod ang kumpanya sa ipinaiiral na safety requirements. (Danilo Garcia at Garry Lao)