Animo’y binagsakan ng langit at lupa ang naging pagsalubong sa mag-asawang inaasam na panganay na anak makaraang maputol ang ulo ng kanilang sanggol habang ipinapanganak sa ospital sa Baguio City, ayon sa ulat kahapon.
Komunsulta na sa kinauukulan ang mag-asawang Amy at Bernabe Diaz para sampahan ng kaukulang kaso ang ilang opisyal at doctor sa ospital sa nabanggit na lungsod.
Batay sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, ilang oras matapos na mag-labor ang misis sa loob ng kanilang tahanan ay kaagad na isinugod sa Baguio General Hospital ng kanyang mister.
Habang nasa emergency room si Amy na namimilipit sa sakit ng tiyan ay idiniretso na ito sa delivery room ng ilang nurse at sa hindi inaasahang pagkakataon ay naganap ang insidente.
Samantala, hindi naman maisip ni Amy kung paanong naputol ang ulo ng kaniyang beybi habang ipinapanganak niya ito.
Sinasabing gumulong pa ang ulo ng sanggol sa sahig ng ospital matapos itong maputol.
Tumanggi naman ang administrasyon ng ospital na magbigay ng pahayag sa insidente.
Sa ngayon ay hinihintay pa ng mga awtoridad ang resulta ng autopsy sa bangkay ng sanggol para sa pagsasampa ng kaukulang kasong kriminal.