Pinagalitan ng titser: 13-anyos binaril ang sarili

Cebu – Isang 13-anyos na mag-aaral na nasa second year high school ang nagbaril sa dibdib matapos  umanong pagalitan ng kanilang titser sa Barangay Lunas, Asturias, Cebu noong Miyerkules ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Allan Inosolango Bejogan, 13, residente ng nasabing lugar at nag-aaral sa Colonia National High School.

Ayon sa pulisya, bago pa mangyari ang insidente ay ma­lungkot nang dumating sa inuuwian niyang bahay ang biktima pagkagaling sa nasabing paaralan.

Sinasabing pinagalitan ng isang titser ang bata ngunit hindi pa ito makumpirma ng pulisya dahil wala pang nakakausap na kaklase ng bata ang mga imbestigador.

Ang bata ay nagtamo ng isang tama ng bala sa gitnang bahagi ng dibdib mula sa .45 kalibreng baril nang maabutan ng kanyang mga kasambahay sa loob ng kanilang kusina.

Hindi pa rin malaman ng pulisya kung saan nagmula ang baril na ginamit ng bata dahil ayaw namang akuin ng kanyang mga magulang ang nasabing baril. (Edwin Ian Melecio)

Show comments