5 patay sa highway tragedy

PAMPANGA — Lima-katao ang kum­pirmadong patay samantalang isa pa ang nasa kritikal na kondisyon makaraang magsalpukan ang dalawang trak sa North Luzon Expressway na sakop ng Barangay, Dau, Mabalacat, Pampanga kahapon ng madaling-araw.

Kabilang sa mga nasawi ay nakilalang sina Mar Heteroza, Matias Heteroza, Raul Ibauan, Francis Tomelden, at si Juanito Cadornigara, habang si Raymond Madriaga ay ginagamot sa Jose B. Lingad Memorial Hospital sa San Fernando City, Pampanga.

Sa inisyal na ulat ng pulisya, naganap ang trahedya bandang alas-4:50 ng madaling-araw matapos na pumasok sa southbound lane ang kulay abuhing Isuzu Elf truck (WEU-195) ni Tomelden.

Hindi naman nakaiwas ang kulay puting Isuzu Elf truck (WFW-107) ni Cadornigara kaya nagkasalpukan ang dalawang truck pagsapit sa Kilometer 86 ng NLEX.

Napag-alamang sumalpok din sa likurang bahagi ng truck ni Cadornigara ang isa pang pampasaherong bus na patungong Maynila na may plakang NXM-113.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya sa naganap na road mishap. (Dino Balabo)

Show comments