Sulyap Balita

P131M pananim nawasak

Umaabot na sa P131 milyong mga ari-ariang pang-agrikultura ang nawasak sa Eastern Visayas dulot ng walang humpay na pag-ulan sa rehiyon. Ayon kay Secretary Arthur Yap ng Department of Agri­culture, nasa 16, 633 ektarya ng pananim  (33,477 metriko toneladang bigas) ang nasira habang aabot naman sa 9,774 ektaryang bukirin sa Eastern Visayas ang nasalanta at 5,017 ektarya naman sa Leyte, 1,604 ektarya sa Northern Samar at 236 ektarya naman ang naapektuhan sa Central Samar. Kaagad naman nagpalabas ng P3 milyon ang DA para sa rehabilitasyon ng mga naapektuhang bukirin, samantalang inaprobahan naman ni Pangulong Arroyo ang P6 bilyong pondo para sa Agricultural Competetiveness Enhancement Fund (ACEF) hanggang 2015. (Danilo Garcia)

Shootout: 2 Tsino tumba

BULACAN – Dalawang Tsino na pinanini­walaang sangkot sa hijacking ang iniulat na nasawi sa pakikipagbarilan sa pulisya habang anim naman ang naaresto sa isinagawang operasyon sa Barangay Patubig sa bayan ng Marilao, Bulacan noong Sabado ng gabi. Kabilang sa mga napatay ay sina Danny Tan at Kun Meng Chen habang isinasailalim sa interogasyon ang mga naarestong sina Arnel Mago, Rodolfo Aloro, Rolly Aloro, Angel Tirao, Rosalindo Daut at si John Albert Tirao, pawang residente ng Maligaya Subdivision, Fairview, Quezon City.  Ayon sa ulat, may ilang buwang minan­manan ang kilos ng grupo hanggang isagawa ang operasyon na nauwi sa shootout. Narekober ng pulisya ang isang Toyota Innova at isang 20-footer container van na naglalaman ng iba’t ibang kargamento. (Dino Balabo)

Videoke bar pinasabog

CAMP CRAME – Anim-katao ang iniulat na nasugatan makaraang pasabugin ang isang videoke bar may ilang metro lamang ang layo sa Camp Bautista sa Sitio Tabak, Barangay Busbus sa Jolo, Sulu, kahapon ng madaling-araw. Kabilang sa mga sugatan ay sina Pfc. Mark Anthony Taborna, Pfc. Jun Cani, Taya Adjail, Jermalyn Flo­res, Laila Roxas at si Haidi Flores. Ayon kay Army Major Roel Ebreo, tagapagsalita ng Anti-Terror Joint Task Force Comet, naganap ang pag­sabog sa bar na pag-aari ni ret. M/Sgt. Felix Cordizal. Ka­salukuyan sinisilip ng mga tauhan ni P/Senior Supt. Julasiri Kasim, kung may kinalaman ang grupong Abu Sayyaf. (Danilo Garcia)

Show comments