SAN ANDRES, QUEZON – Hindi na nagising buhat sa kanyang mahimbing na pagkakatulog ang isang negosyante matapos barilin hanggang mapatay ng kanyang karibal sa babaeng kanyang binisita sa Barangay Talisay ng bayang ito kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang biktimang nagtamo ng isang tama ng bala ng kalibre .38 baril sa kaliwang bahagi ng ulo na si Victor Ilao, 45, residente ng Barangay Danlagan, Padre Burgos Quezon. Hindi naman nakapalag ang suspek na si Ricky Rabe, 27, ng Talisay nang maaresto ng pulisya.
Ayon kay PO3 Paterno Arrabis, offricer on case, inabot ng gabi si Ilao sa bahay ng kanyang nililigawang si Maricel Dilao kaya niyaya siya ng huli na doon na matulog.
Dakong alas-11:00 ng gabi ay sinira umano ng suspek ang bintana ng bahay saka pumasok sa kuwartong kinatutulugan ng biktima at bunsod ng nadaramang selos ay binaril nito ang karibal.
Nabatid na ang biktima at ang suspek ay kapwa nanliligaw kay Dilao. (Tony Sandoval)