KIDAPAWAN CITY – Pinaniniwalaang dinukot ng mga intelligence agents ang isang security guard ng Philippine National Oil Company (PNOC) na naka-assign sa Mount Apo geothermal production field dahil sa suspetsang sangkot ito sa pambobomba sa central Mindanao.
Kinilala ang biktima na si Melvin Claro, sikyu ng PNOC, na inakbayan ng mga armadong kalalakihan bago isinakay sa owner-type jeep na walang plaka.
Si Claro ay naglalakad sa kahabaan ng Osema Drive kasama ang kanyang misis na si Sonia Hassan-Claro nang maganap ang insidente bandang alas-5:30 ng hapon.
Ayon kay Sonia, walang ipinakitang warrant of arrest ang mga kaduda-dudang ahente ng intelligence unit ng PNP ang pinaniniwalaang nasa likod ng pagdukot.
May teorya si Sonia na idinawit ang kanyang mister dahil pinsan niya ang isa sa mga itinuturong primary suspect sa pambobomba sa mall sa Kidapawan City noong Nov. 22, 2007.
Si Sonia ay pinsang buo ni Muhalidin Hassan na inaresto ilang oras makaraang sumabog ang KMCC mall sa lungsod na nagresulta sa pagkamatay ng isa-katao at pagkakasugat ng walong iba pa.
Blangko naman ang Kidapawan City PNP sa kaso ng biktima pero nangako ang hepe nila na si P/Chief Insp. Leo Ajero na pag-aaralan ang insidente. (Malu Manar)