Bagong gulo sa Mindanao pinangambahang mamuo

KIDAPAWAN CITY – Kung hindi matitigil ang panga­nga­lap ng bagong mga miyem­bro ni dating Moro National Libe­ration Front Chairman Nur Misuari, posibleng magkagulo sa bahaging ito ng Mindanao.

Ayon kay Commander Datu Dima Ambil, regional chair ng MNLF Sebangan Revolutionary State Committee na nakabase sa Matalam, North Cotabato, marami na sa mga na-recruit nina Johnny Sugagel ng first district ng North Cotabato at Gen. Kautin ‘Teng’ Usman ng Davao del Sur ang umasa sa mga ipi­nangako ng dalawa.

Pangako kasi nina Sugagel at Usman sa mga recruit na makakapasok sila sa Armed Forces of the Philippines at sa Philippine National Police.

Nangungulekta umano sila ng mula P250 hanggang P1,000 sa kanilang mga recruit na karamihan ay mga lumad at Kristiyano para masama sa Regional Special Force ng MNLF.

Nilinaw ni Ambil na  itinigil nila pansamantala ang recruitment sa kanilang organisas­yon kaya todo tanggi siya na ang ginagawa nina Sugagel at Usman ay may basbas mula sa kanilang grupo. (Malu Cadelina Manar)

Show comments