KIDAPAWAN CITY – Isa na namang kaso ng patayan ng mag-utol ang naitala ng pulisya kung saan napatay ang isang barangay tanod ng sariling kapatid noong Linggo ng hapon sa Barangay Nuangan, Kidapawan City, North Cotabato.
Awayan sa lupang minana mula sa kanilang mga magulang ang sinasabing dahilan kaya napatay ang biktimang si Andres Fajardo matapos na pagpapaluin ng baril sa ulo ng suspek na si Fernando Fajardo.
Ayon sa report, nagtalo muna ang mag-utol na Fajardo kaugnay sa lupang iniwan ng kanilang mga magulang sa Barangay Nuangan kaya nagawang paluin ng biktima ang suspek.
Subalit, naagaw ng suspek ang baril na ginamit niya para pukpukin hanggang sa mapatay ang kanyang kapatid.
Tinangkang tumakas ng suspek pero nasukol din ng mga pulis at ngayon ay pormal na kakasuhan habang nakakulong sa himpilan ng pulisya sa Kidapawan City.
Ito na ang ikalawang pagkakataon kung saan mag-utol ang sangkot sa kaso ng pagpatay sa North Cotabato.
Noong Biyernes naman ng hapon sa bayan ng Magpet, pinatay ng suspek na si Jasser Catacutan ang kanyang kuya na si Anecito Catacutan dahil din sa minanang lupain. (Malu Manar)