CEBU CITY- Pinaghahanap ngayon ng pulisya ang isang 28-anyos na mister makaraang ipag-utos ng mababang korte na arestuhin dahil sa pagpatay sa isang aso sa Barangay Lengigon sa bayan ng Argao, Cebu may ilang araw na ang nakalipas.
Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Leonardo Careon ng Argao Municipal Trial Court, pinadadakip ang suspek na si Ronelo Montalla ng nabanggit na barangay dahil sa paglabag sa Republic Act 8485 (Animal Welfare Act).
Napag-alamang tumangging harapin ni Montalla ang kasong isinampa sa korte ng may-ari ng asong napatay.
Ayon kay PO1 Von Tecson, si Montalla ay nagtago matapos malaman na kinasuhan siya ng kanyang kapitbahay na si Alexander Gaudiana dahil sa pagpatay sa alaga nitong aso noong Disyembre 29.
Sa record ng pulisya, sinugod ng suspek na senglot at may hawak na itak ang kapitbahay nito subalit hindi siya pinatulan ni Gaudiana sa halip ay pinagsabihang umuwi at matulog.
Lalong nagalit si Montalla at sinubukang habulin si Gaudiano subalit hindi na niya ito inabutan kaya naman ang aso ang napagbalingang pagtatagain hanggang sa mapatay. (Fred Languido)